Salamat, 2021.

Isang taon na ang nakalipas simula noong huli akong nakapagsulat.

Parang ang tagal ng taon na ito, habang binabalikan ko ang mga nangyari, napasabi nalang ako ng “Walangya, ngayong taon pala ‘to nangyari?”, minsan nga ay hindi ko na rin alam kung ano’ng araw na, ano’ng petsa na, o gabi na pala.

Hindi ko na nga alam kung ano ang isusulat ko, kunwari may mga nagbabasa talaga sainyo ng kung anuman ang nandito. Magpapasalamat nalang ako dahil ang taon na ito ay isang pasasalamat, kahit na nawalan kami ng mahal sa buhay, salamat.

Salamat dahil alam ko na kung paano bumitaw sa pagkapit sa isang bagay o ideya na sarili ko na lamang ang naniniwala.

Salamat sa mga taong nagtiwala sa akin at sa aking kakayahan. Hindi pa rin mawala ‘yung ngiti ko pag naiisip ko na umabot ng 50 episodes ang SDG Online Tambayan. Napakaraming tao ang nabigyan ng plataporma para pag-usapan ang mga isyu at usaping kaugnay sa Sustainable Development Goals. Salamat kila Ate Eah at Kuya Jules sa pagbibigay ng pagkakataon na makapaghost, sulat, at produce ng ganitong programa kasama na rin ang buong SDG Online Tambayan team lalong-lalo na kay Cai na itinawid namin hanggang dulo at umabot na nga sa 50 episodes ang tambayan, mula sa mga recorded na zoom sessions hanggang sa live na every 9 ng gabi sa Quarantalk Media, tunay na ang biyernes ang pinakahihintay kong araw noon para may kulitan at kwentuhan na pinaguusapan ang Sustainable Development Goals.

Salamat sa GoodGovPH sa pag-tanggap sa akin bilang Human Resource Director, hindi perpekto ang takbo ng taon ko bilang isang direktor at natin bilang isang organisasyon, pero iba na tayo simula nung pagpasok ko, sa ngayon. Isang karangalan ang maging parte ng transition ng isang organisasyon sa bago nitong direksyon ngayong 2022. Salamat sa buong HR team, kay Louise na alam kong pagod na pagod na dahil isa ka sa mga maraming ginagawa, lalo na sa buong membership development team, kasama si Je at Sarah. Salamat sa hindi lang naging HR team member dahil naging kaibigan ko na rin at nakapagkwentuhan ng mga personal na bagay, Summer at El, dahil alam kong hindi madali ang task niyo bilang Recruitment and Onboarding, minsan kailangan nating magkwentuhan na ng mga malalim na topics. Salamat, siyempre, sa buong Executive Committee, dahil nagkaroon ako ng bagong mga kaibigan/pamilya sainyo. Excited na ko sa gagawin natin ngayong bagong taon.

Salamat sa 2030 YFPH, napakaraming mga pagkakataon ang ibinibigay niyo sa akin at sa iba pang mga kabataan para sa aming adbokasiya. Sana lang makita rin ito ng lahat na hindi man perpekto ang isang institusyon, sana ay mabigyang pansin ang ibang mga bagay na bumubuo rito. Hindi na nga lamang mga kaibigan ang nabuo sa organisasyong ito kung hindi pati na rin mga kapatid. Nakita niyo kong lumaki mula sa pag-oo lamang sa mga booth engagement, pagiging core member ng Internal Affairs at ngayon ay National Director na – Maraming salamat sa tiwala na naibigay niyo sa akin.

Kay Ali at sa Linya-Linya, isa sa mga pangarap ko ang magtrabaho sa isang brand na mahal na mahal ko at fan ako. Hindi ko pa rin akalain na parte na ako ng mga content na dati ay shineshare ko lang at binibili. Maraming salamat sa oportunidad at pagkakataon. Ang dami kong natutuhan at siguradong matututuhan pa sa darating na taon mula sa mga taong ka-trabaho ko. Sabi nila do not meet your heroes, baka kasi iba ang maging tingin mo sakanila pag nakasalamuha mo sila. Ako? Nagpapasalamat ako na katrabaho ko pa yung ilan sa mga taong tinitingala ko dahil ang dami kong natututuhan sakanila.

Kay Kyle at Aegean, na kahit minsan delayed ako mag upload, andiyan pa rin kayo. Kayo ang patotoo sa talk na “Friends for life” noong nasa isang community pa tayo! Salamat dahil ang pangarap lamang na podcast noon ay totoo na ngayon, kasama na rin dito ang pasasalamat ko sa mga nakikinig sa amin sa Insert Conversation Here podcast! Iba kayo!

Salamat. Salamat sa inyo. Kersten. Kuya Arthur. NCR Regional Council. NCR SDG Masterclass Team. Ristian. A. Sarah. Sa nanay at tatay ko. At sa lahat ng mga hindi nabanggit na naging parte ng taon na ito. Walang hanggang pasasalamat.

Sa mga aral na nakuha ko ngayong taon, salamat lang ang katumbas nito sa isang salita.