14

Pitong buwan na simula nung unang hi at reply na heyaaa.

Pitong buwan narin simula nung naamaze ako sa fact na maliit lang talaga ang mundo. Parang ang tagal na rin, pero nangyari lahat sa loob in maiksing panahon. Ang dami kong gustong sabihin, sobrang klaro pa sakin lahat ng tungkol sayo. Kung paano yung gusto mong luto ng spam, yung pagkahilig mo sa brownies, yung pagtatalo natin kung ano yung pancit palabok at malabon, yung chicken biryani, yakult, puro pagkain pala to, yung random sending ng mga kanta, yung after ng una nating paguusap nagmessage ka para magtanong ng advice kasi sabi mo pag sa mga close friends mo ikaw nagtanong babatukan ka lang nila, yung fact na parehas nating paborito yung Suits, yung pag-introduce mo sakin ng Pinocchio kasi paborito mo yun kasi gusto mo talagang maging journalist, yung netflix parties, bigbang, at marami pang iba. Sobrang klaro pa sakin ng lahat, yung araw na nagkita tayo, yung kahit hindi ko tinignan yung phone ko para icheck kung nasan ka na, paglingon ko sa kanan alam kong andon ka.

Pasensya na kasi nasaktan kita. Marami kang tanong na siguro pinili nalang na hindi sagutin o malaman yung sagot. Sana mapatawad mo ko.

Nagpapasalamat ako sayo. Lagi ko naman sinasabi sayo yon, na I thank you for the gift of you. Ikaw. Nagpapasalamat ako sa araw-araw na may ikaw. Kasi makalipas ang ilang taon, katulad ng sinasabi ng maraming tao, pinili ko naman yung sarili ko at sa pagpili ko sa sarili ko, pinili kita, kayo. Isa kang produkto ng pagdarasal na sa panahong handa na ako, dumating ka. Maraming salamat, sa pagmamahal na binigay at pinaramdam mo, sana kahit sa kaunting panahon naramdaman mo rin yon galing sakin kasi kamahal mahal ka. Deserve mo yung pagmamahal na dapat natatanggap niyong dalawa. Sa pagkakataong to, pinipilit ko paring ginugusto na matutunan kung paano yun at kung paano araw-araw niyong matatanggap yon.

Nagpapasalamat ako sa mga naging kaibigan nating dalawa, may mga nasabi, nagawa, naipakita man ako na hindi kaaya-aya, pasensya, hayaan niyong pagbutihin ko pa at pag hinayaan ng pagkakataon at tadhana na magkita-kita ulit tayo, mas maayos na kong tao.

At para sa’yo, Kristine, maraming salamat. Mahal na mahal kita, mahal na mahal ko kayo. Darating ang panahon na baka magkita tayo sa isang lugar na hindi natin inaasahan, wag sana tayong mahiyang batiin ang isa’t isa. Katulad ng pag hi at heyaa natin nung una, Ang dami ko pang gustong ikwento sayo, sa susunod nalang siguro. Sobrang proud din ako sa accomplishments and business mo.

Ingat ka palagi, kasama ng pangako ko na hindi ako susuko sayo ay ang pangakong lagi rin akong andito para sayo, so kung kailangan mo ko, dito lang ako, palagi.

Hanggang sa muli,
Ranze

One thought on “14

  1. Pingback: Genesis. – Sarah Fabito

Leave a comment